Payong na Pula

Hindi mawala sa isipan ko
Iyong payong na pula
Doon tayong dalawa ay sumukob
Sa ilalim ng ulang panaginip

Kulay nito'y kasing tingkad
Ng dugong dumadaloy sa katawang ito
At nagbibigay buhay sa mga labing ito
Na sa halik mo'y naghintay

Parang palad itong
Kumuyom sa ating dalawa
Tayong dalawa mag-kasama
Ang lahat ay pawang anino lamang

Sa lilim nito tayo'y nagtago
Mga katawa'y nagkadampian
Lamig ay nawala pagka't tayo'y nagkayakap
Ito'y panaginip, alam ko

Bagama't mga labi'y di nagtapat
Ramdam kong tayo'y naging isa
Sa ilalim ng pulang anino nito
Ako'y naniwala, puso'y pilit binuksan

Sa bawat patak ng ulan ako'y nangarap
Malahibla ng panaginip na sa aki'y bumalot
Pinilit kong gawing buo, konkreto
Sa singnipis ng sinulid ako'y kumapit

Kagaya ng ambong dumadaan sa tag-araw
Anino ng lunggating ito'y mabilis na lumipas
Mga sinulid na hinabi't kinapitan ay napigtal
At ang payong ay tumiklop, kumupas

Popular posts from this blog

How to Become A Thiller Writer

A Review of Joshua Mehigan's Essay - " I Thought You Were a Poet"

A cheesy love poem