Bangko
Nauna nang tumilaok ang manok bago pa ang pag-sikat ng araw. Bawat pagtilaok nito ay hudyat ng pag-uumpisa ng isang bagong araw. Isang bagong araw na nangangahulugan ng paglipas ng panahon, paglipas ng mga dahon ng kalendaryo. Ng panibagong pakikipag-sapalaran upang hanapin ang kahulugan ng bawat hiningang binibitawan, upang tugunin ang kahilingan ng bawat segundong lumilipas. Bago pa man maihiyaw ng tandang ang huling hudyat ng kaniyang pagtilaok, nakabangon na si Aling Fe mula sa papag na kaniyang hinihigaan. Ang papag na iyon na naging piping saksi sa lahat ng mga naging kaganapan sa kaniyang buhay, at sa buhay ng kaniyang mag-ama. Bago tuluyang bumangon, nilingon niya ang likuran ng natutulog pang si Mang Luis. Patuloy ang pagbaba at pagtaas ng mga balikat nito, kasabay ng malalalim na paghinga at panaka-nakang paghilik. Bukas tatlumpu’t limang taon na silang mag-sasama bilang mag-asawa. Napabuga ng isang malalim na buntung-hininga si Aling Fe,...