Bangko
Nauna nang tumilaok ang manok bago pa ang pag-sikat ng araw.
Bawat pagtilaok nito ay hudyat ng pag-uumpisa ng isang bagong araw. Isang bagong araw na nangangahulugan ng paglipas ng panahon, paglipas ng mga dahon ng kalendaryo. Ng panibagong pakikipag-sapalaran upang hanapin ang kahulugan ng bawat hiningang binibitawan, upang tugunin ang kahilingan ng bawat segundong lumilipas.
Bago pa man maihiyaw ng tandang ang huling hudyat ng kaniyang pagtilaok, nakabangon na si Aling Fe mula sa papag na kaniyang hinihigaan. Ang papag na iyon na naging piping saksi sa lahat ng mga naging kaganapan sa kaniyang buhay, at sa buhay ng kaniyang mag-ama. Bago tuluyang bumangon, nilingon niya ang likuran ng natutulog pang si Mang Luis. Patuloy ang pagbaba at pagtaas ng mga balikat nito, kasabay ng malalalim na paghinga at panaka-nakang paghilik.
Bukas tatlumpu’t limang taon na silang mag-sasama bilang mag-asawa.
Napabuga ng isang malalim na buntung-hininga si Aling Fe, napailing, sadyang napakabilis lumipas ng mga oras at ng mga araw, at ng mga taon.
Mula sa kaunting liwanag na unti-unti nang nagpupumilit lumusot sa mga siwang ng mga kawayang dingding ng kanilang kubo, naaninag niya ang mga kuwadro ng mga larawang nakasabit dito. Ang mga larawang ito ang katibayan ng halos dalawampu’t dalawang taong bahagi ng masasayang ala-ala ni Aling Fe. Hinanap ng kanyang mga mata ang mga kuwadro ng larawan ng kaniyang anak.
May munting ngiti na dumampi sa kanyang mga labi.
Doon sa may bandang kanan ay ang larawan nito noong nagtapos sa elementarya. Naalala niya pa habang tahimik na natatawa, napakaliit nito kumpara sa mga kaklaseng nagtapos ng taong iyon, akala nila’y hindi na ito lalaki, mananatiling bansot kagaya ng kantiyaw ng mga kaklase nito na madalas nitong isumbong sa kaniya habang umiiyak pagkagaling sa eskwela. Gayunpaman hindi ito naging hadlang upang magtapos ang kanilang anak ng “pers onor”. Dumapo ang kanyang tingin sa sumunod na kuwadro, mas malinaw na niya itong naaaninag, tila tuluyan na sa pagpiglas sa dilim ang araw. Iyon iyung larawang kuha nang magtapos ito sa hayskul. Nang malapit na itong maging ganap na binata. Hindi na siya nakakantiyawang bansot dahil siya na ngayon ang pinakamatangkad sa kanilang klase.
May hitsura ang kaniyang anak, kagaya ng ama nito, naisip niya. Noong kabataan nila’y maraming nagkakagusto ritong mga dalagang higit na mas magaganda sa kanya, pero siya ang napili nitong ligawan at pakasalan. Bagama’t mahabang panahon na ang lumipas may sumusundot pa ring kilig sa puso ni Aling Fe sa tuwing maaalala niya ang mga panahong iyon.
Muli niyang naalala ang anak, itinuloy ang paglalakbay sa nakaraan habang hinihintay ang tuluyang pagbangon ng araw. Mabait na bata si Ramil, masayahin, maraming kaibigan at matalino. Parang isang regalo galing sa itaas dahil isa lamang ang puwedeng ibigay sa kanila. Kaya siguro binuhos nang lahat sa anak nilang ito ang halos lahat, naisip niya. Suot ni Ramil ang medalyang nagpapatunay ng pagtatapos nito bilang valedictorian ng kanilang klase, naalala niya nang araw na iyon, bagama’t mainit dahil kalagitnaan ng tag-araw, nagbihis siya ng maigi at nagpinta ng mukha.
Nag-uumpisa nang kumawala ang liwanag ng araw sa mga siwang ng kanilang bahay. Bawat sulok na matapatan nito ay nagpapagising kay Aling Fe sa realidad ng bagong araw na parating. Muli siyang napabuntung-hininga. Muling nilingon ang asawa na tila unti-unti na ring nagigising sa hudyat ng bagong araw. Panaka-naka pa ring tumitilaok ang ilang tandang sa di kalayuan. Sadya nga sigurong merong mga bagay na mababagal at nahuhuli, naisip niya, kahit sa mga manok.
Sinundan niya ng tingin ang isang linya ng liwanag na sumiwang sa may ulohan ni Mang Luis. Tumapat iyon sa huling kuwadro. Kuha ni Ramil noong nagtapos ito sa kolehiyo. Cum Laude. Masayang masaya siya nang iabot nito sa kanya ang diploma pagkababa sa entablado. Sa unang pagkakataon nakarating silang mag-asawa sa Maynila para samahan ang kanilang anak sa pagtatapos nito. Bagama’t simple lang ang buhay, pilit nilang iginapang na mag-asawa ang pag-aaral ng kanilang anak. Mag-isa lamang ito, kaya’t naisip nilang bakit hindi nila piliting maipagkaloob dito ang isang magandang bukas na siya lamang maaari nilang maipagmana na hindi makakamkam ni maaagaw. Kaya nang dumating ang sulat mula sa UP na nagsasabing pumasa ang kanilang anak para mag-aral doon, hindi sila nagdalawang isip na mag-asawa. Ni sumagi sa isip nila ang magiging gastos o na mapapalayo sa kanila ang kaisa-isang anak. Pinilit nila. At pinilit ni Ramil na huwag silang biguin. Ginawa nito ang lahat, at nagtagumpay. Isang butil ng luha ang tumulo sa kaliwang mata ni Aling Fe. Mahirap para sa kaniyang isipin ang mga ala-alang kadikit ng huling kuwadrong iyon.
Umungol si Mang Luis, tinatawag ang kanyang pangalan. Mabilis niyang pinahid ang luhang pumatak at tuluyang bumangon mula sa papag.
“Umiiyak ka na naman ba?” tanong ni Mang Luis habang pinipilit siyang aninagin ng mga mata nitong nasisilaw pa sa liwanag.
“Hi-hindi,” aniya. Habang mabilis na nagsuklay ng buhok at ipinusod iyon. “Maya-maya ka na bumangon, magsasangag pa ako at mag-iinit ng tubig.”
“Tulungan na kita,” sabay bangon na rin ni Mang Luis sa kabilang bahagi ng papag. Hinanap ng mga paa nito ang tsinelas na itinago niya sa ilalim ng higaan bago natulog kagabi. Akmang tatayo pero tila naramdaman niyang masakit ang kanyang likod at mga braso. Muling naupo at nag-inat ng mga braso at likod. Sandali pa’y kinusot kusot ang mga mata upang tuluyan ng magising. Lumingon sa labas ng bintana na ngayon ay nakabukas na. Binuksan ito ni Aling Fe bago nagtuloy sa kusina para ihanda ang agahan. Mataas na ang tirik ng araw. Tumigil na rin sa pagtilaok ang mga manok. Ang mga aso naman ang nag-uumpisang mag-ingay ngayon. Sa isang dako naririnig na rin niya ang pagkayod ng walis sa lupa. Marahil ang asawa iyon ni Dencio, naisip niya.
Noong kabataan niya ang ganitong oras ay napakatanghali na. Gumigising siya noon bago pa sumikat ang araw, halos kasabay ng pagtilaok ng manok para magpunta sa bukid. Noon malaki pa ang sakahan niya. Maraming ektarya ang kinailangan niyang araruhin para magtanim. Isa lamang ang kalabaw niya, pero masipag iyon at malakas, di kagaya ng bago ngayon. Tsk Tsk. Kahit anong palo ang gawin niya ay di niya mapakilos ng mabilis ang bagong kalabaw. Namatay mga ilang taon na ang lumipas ang unang-unang kalabaw na nabili niya mula ng maging asawa si Aling Fe. Hanggang sa huling sandali ay di siya binigo ng kalabaw na iyon, naipulutan pa nila ang karne nito.
Ngayon wala ng gaanong dahilan para gumising ng napaka-aga. Maliit na lang ang sinasaka niya, tama lamang para ipang-buhay nilang mag-asawa. Napalingon siya sa mga larawan ng anak. Dumilim ang mukha nito at pagkatapos ay nabalutan ng matinding kalungkutan.
“Luis! Handa na yung agahan! Akala ko ba’y tutulungan mo ko? Aba’y natapos na ko’t lahat dito e nakatunganga ka pa rin diyan!” sigaw ni Aling Fe.
Umiling si Mang Luis na para bang naalimpungatan. Akala niya’y sandali lamang siyang tumanga sa tapat ng bintana. Ang bilis naman yatang lumipas ng saglit na iyon. Napakamot ng batok sabay labas na sa kanilang silid.
Sa kusina ay naihain na ni Aling Fe ang sinangag na tira ng kanin nila noong nakaraang gabi. Nitong mga nakaraang buwan, halos mga taon na siguro mula noong…. Napatigil si Aling Fe, naalala na naman ang anak. Masaya sila noon. Sabay sabay kumain. At kahit sa maliliit na bagay ay nakukuha nilang tumawa. Napakabilis palang mawala ang mga bagay na ito. Muli niyang tinawag si Mang Luis na palabas na ng pintuan ng kuwarto.
Nilagyan niya ng tig-isang piraso ng tuyo ang mga plato nila. Ganun na lamang sila kumain ngayon, isang piraso ng ulam, ilang subo ng kanin, isang basong kapeng instant ay tama nang pantawid hanggang tanghalian.
“Pupunta ka na naman ba doon ngayon?” tanong ni Mang Luis sabay higop sa umuusok pang baso ng kape.
“Oo,” matipid na sagot ni Aling Fe sabay tungo sa platong kanyang kinakainan. Isang kudlit na parang kudlit ng bubwit ang bawas sa ulam nito.
Napangiwing ibinaba ni Mang Luis ang baso ng kape na para bang napaso. “Fe, kailan mo ba matutong tanggapin? Tapos na ang lahat, wala na tayong magagawa. Kailan mo imumulat iyang mga mata mo?” Tila napapagod nang tanong sa asawa.
Napataas ng tingin si Aling Fe, nangingilid ang luha sa mata. “Hangga’t meron pa 'kong natitirang lakas at hininga Luis.” Nanginginig ang mga kamay nitong itinaas ang baso ng kape, humigop at tumingin sa labas ng bintana para umiwas sa tingin ng asawa.
Alam niya ang makikita niya roon,.. awa, inis. Mga tinging ayaw niyang tanggapin. Ni pagtuunan ng pansin. Alam niyang kagaya niya ay may pait ding dumudurog sa puso ng kaniyang asawa, pero hindi kagaya niya, sumuko na ito. Iyon ang hinding hindi niya magagawa. Para sa kanyang anak.
Matagal na tumitig sa labas ng bintana si Aling Fe. Nakikita niya roon ang mga taong nagpaparoo’t parito. Mga galing ng bukid, mga misis na mamamalengke sa bayan, mga estudyanteng papasok ng eskuwela. Naalala na naman niya si Ramil at ang bitin na short na suot nito tuwing papasok sa paaralan. Halos hindi ito lumalaki noon kaya’t ang suot nitong shorts ng grade two ay suot pa rin hanggang huling baytang, kahit medyo humahapit na at bitin pa. Kailan man ay hindi nagreklamo o nagmaktol ang anak niya para sa bagong short kahit alam niyang kinakantiyawan din ito ng mga kaklase tungkol dito bukod pa sa halos di pagtangkad nito.
“Alis na ako,” narinig niyang sabi ni Mang Luis galing sa bukas na pinto. Ni hindi niya namalayang ang tagal na pala niyang nakatulala roon. Nagulat siya at marahang napatango. “Sige mag-ingat ka,” pahabol niya dito.
Dahan dahang iniligpit ni Aling Fe ang plato ng pagkaing halos hindi niya nagalaw. Nagtungo siya ng lababo para hugasan ang ibang mga pinag-kainan. Habang tumutulo ang gripo ay unti-unti na ring pumapatak ang kinikimkim niyang mga luha. Pinalaya niya ang mga ito. Kapag nasa bahay si Mang Luis, pinipigil niya at pinipilit itago ang lungkot na unti-unting kumakain at pumapatay sa kanya. Nais niyang kahit papaano ay huwag nang makaragdag pa sa kung ano mang kalungkutan ang maaaring kinikimkim rin nito. Dahil alam niya, kahit na nagkukunwari itong mabuhay ng normal, sa mga sandaling napapahinto ito at napapatingin sa kawalan, nakikita niya ang lungkot na lumulukob sa mukha nito. Kailangan pa niyang maging malakas para sa kanyang mag-ama.
Sa halos maraming beses, isandaan marahil o libu-libong beses, Hindi na niya matandaan ni mabilang, muling tinungo ng kanyang ala-ala ang araw na iyon.
*****
Matapos ang sandali nilang bakasyon sa Maynila para samahan sa pagtatapos si Ramil ay muli silang umuwi sa bayan nila upang si Ramil naman ang makapagbakasyon ng kaunting panahon bago ito bumalik sa Maynila upang magtrabaho sa isang malaking kumpanya. Isa nang inhenyero ang anak nila. Kahit hindi pa man nakakapag-board exam ay kinuha na kaagad ito ng kumpanya para doon magtrabaho. Pinangakuan ang anak nilang sila na ang gagastos sa bayad para sa review at board exam ng anak. Tuwang-tuwa sila para rito. Mukhang tuloy-tuloy na ang magandang suwerteng magpapabago sa buhay nito.
Nagkita-kita ang mga magkakaklase noong high school at nagkayayaang lumuwas ng bayan para mag-celebrate. Marami kasi sa kanila ang sabay-sabay na nagtapos ng taong iyon. Nagbiruan, nagkantiyawan, nagkuwentuhan ng mga kalokohan noong high school at nagkainuman ng kaunti. Hindi nila namalayan ang paglipas ng oras kaya nang magkayayaang umuwi ay nawalan na pala sila ng masasakyan. Dahil ayaw naman nilang magpaumaga sa bayan nagkayayaang magsilakad na lamang pauwi, kagaya ng ginagawa nila noong high school sa tuwing kailangan nilang magtipid ng mga baon.
Tahimik naman sa lugar nila, walang gaanong gulo, maliban sa paminsan-minsang pagwawala ng mga nasobrahan sa pag-inom. Habang naglalakad ay nagbibiruan pa ang mga magkakaklase, medyo maingay sila kaya paminsa’y nasisigawan ng mga nadadaang bahay o nasisitsitan para bawasan ang ingay at tawanan.
Una nilang inihatid isa-isa ang mga kaklaseng babae at nang mga ilang bahay na lamang ang layo mula sa kina Ramil humiwalay na rin ang ibang mga kaklaseng lalaki nito. Naiwan na lamang si Ramil at ang dati nitong kasintahang si Joy na kapit-bahay lamang nila. Masayang nagkukuwentuhan ang dalawa nang may isang kotseng huminto sa tapat nila.
Ayon kay Joy, tutuloy na sana sila sa paglalakad nang biglang bumukas ang unahang pinto ng kotse at hinarang ang dadaanan nila. Lumabas mula rito ang isang mestisuhing lalaki. Maangas, napansin nilang may sukbit itong baril sa kanang baywang. Lumapit ang lalaki sa kanila, humarang sa harap ni Joy si Ramil at binulungan itong tumakbo na palayo. Dahil sa takot ay napatakbo na nga si Joy, iniwan ang anak nila. Mapait mang tanggapin pero alam ni Aling Fe na walang kasalanan si Joy, na tama lamang ang ginawa nitong pagtakbo. Ang hindi niya matanggap ay ang pagtahimik nito nang kinailangan nila ng isang saksi na magtatanggol sa anak niya.
Tandang-tanda niya ang gabing iyon, nang nabulabog silang mag-asawa ng sunod-sunod na malalakas na pagkatok at pag-iyak ng isang babae sa kanilang pintuan. Pagbukas nila ng pinto, nakita nila mula sa liwanag ng buwan ang tila nanginginig sa takot na si Joy. Iyak nang iyak. “Si Ramil, si Ramil,” ang paulit-ulit lamang nitong sinasabi sa gitna ng paghagulhol. Pilit nilang tinatanong ito kung ano ang nangyari kay Ramil pero ang paulit-ulit lang na sinasabi nito ay, “s-sa tapat ng bahay ni Aling Nena.”
Tila sasabog ang dibdib niya noon, kahit na sinasabi ng utak niya na mayroong masamang nangyari sa anak, pilit niya itong iwinawaksi at isinisingit ang panalanging sana’y wala, sana’y maayos ang kanilang anak.
Sa pag-angat ng kaniyang tingin sa di kalayuan ay may grupo ng mga kalalakihang papalapit na tila may bitbit na kung anong malaking bagay. Halos mawalan ng ulirat sa Aling Fe ng tumambad sa harapan ang walang buhay na katawan ng anak. Duguan. Pati mukha ay pinuno ng tama ng baril, halos di nila ito makilala. Napakapit siya sa mga braso ni Mang Luis. Maging ito ay di makakilos. Hindi niya lubos maisip kung sino ang makakagawa nito sa anak nila. Muli niyang ibinaling ang tingin sa nakahalukipkip sa gilid ng pintuan na si Joy, tila wala rin sa sarili. Pilit niyang inaaninag sa basang basa sa luhang mga pisngi nito ang sagot sa kanyang mga katanungan. Bakit? Sino?
Hindi niya alam kung paano pero nagawa nilang mag-asawang ayusin ang burol ng anak, sa tulong na rin marahil ng mga kapit-bahay. Kina-umagahan pa, matapos ang pangyayari, nang maka-usap nila ng maayos si Joy kung ano ang mga nangyari dahil noon lamang ito tila nahimasmasan.
Trip lang. Trip lamang ang dahilan kaya wala na ang anak nila ngayon. Sa ilang putok ng baril mula sa mga kamay ng isang taong walang pangarap ay kinain rin ng gabi ang mga pangarap ng kanilang anak.
Sabi ni Joy nang makalayo siya ng kaunti at nakakita ng kulumpon ng mga halaman ay sumiksik siya para nagtago. Kitang-kita niya nang hinugot ng mestisong lalaki ang baril sa bewang nito at itinutok sa dibdib ni Ramil. Ni hindi na ito nakapagsalita dahil agad na kinalabit ng lalaki ang gatilyo. Isa. Dalawa. Tatlo. Hinde mabilang kung ilang beses ipinutok ang baril sa wala nang buhay na katawan ni Ramil. Pagkatapos ay itinapon ng lalaki ang paupos nang sigarilyo sa gilid ng bibig nito sa duguang katawang nakahandusay sa lupa sabay sinabing, “sensya na pare, trip lang!”
Mabilis na humarurot ang kotse papalayo. Naiwan si Joy na nanginginig sa takot at nakasiksik sa kumpol ng halaman. Hindi na niya inalintana ang mga langgam na kumakagat sa kanya o ang mga dumudugong gasgas na dulot ng pagkakasiksik niya.
Matapos ang libing ay agad na inasikaso ng mag-asawa ang pagsasampa ng kaso. Kilala ng mga taga-roon kung sino ang bumaril sa anak nila. Nakilala nila ito base sa paglalarawan ni Joy. Pamangkin raw ito ng mayor. Mga ilang buwan nang nagtatago sa bayan nila dahil meron ring tinatakasan sa Maynila.
Ipinanalangin niya araw-araw na sana’y mabigyan kaagad ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang anak. Iyon lamang sana. Lumipas ang ilang lingo. Buwan. Taon. Nagpabalik-balik sila sa opisina ng abogadong pampubliko. Halos araw-araw. Habang sa tumatagal ay parang naiinis na sa kanila ang abogado at para bang umiiwas. Ang laging rason nito, “wala ang arbiter, walang pipirma.”
Noong mga unang buwan, nakikita pa nilang pagala-gala ang pamangkin ng mayor. Minsan kapag nahuhuli silang tumitingin ay ngumingiti pa ito na parang aso. Nang-uuyam. Napapatiim bagang na lamang si Mang Luis, kinukuyom ang palad, nagpipigil. Minsa’y naiisip na rin niyang pumatay ng tao, pero alam niyang hindi iyon magugustuhan ng anak nila. May mga kapit-bahay silang nagbobuluntaryong papatayin raw nila ang pamangkin ng mayor, pero alam niyang kuwentuhang lasing lang iyon. Alam niyang kahit isa man sa kaniyang mga kapit-bahay ay walang tapang na gawin iyon.
Pagtagal-tagal ay di na rin nila nakikita ang pamangkin ng mayor. Nabalitaan nilang inilayo na ito ng mayor doon. Napasugod sila sa abogado nang mabalitaan ito. Ang walang kuwentang abogado ay kumibit-balikat lamang at sinabing wala na silang magagawa. Muntik nang masuntok ito ni Mang Luis pagkarinig sa mga sinabi. Higit sa lahat sa reaksiyon nitong parang bale wala lamang ang buhay ng anak nila. Ganoon lamang.
Tila natakot ang abogado sa naging reaksiyon ni Mang Luis. Nasabi na lamang nito na kung mapapipirmahan nila sa arbiter ang mga papeles ng kaso maaaring maipahanap pa sa mga pulis ang pumatay sa anak nila. Nagulat ang abogado nang hiningi ni Aling Fe ang mga dokumentos ng kaso. “Ako ang magpapa-pirma sa arbiter,” mahinang sabi nito.
Nang sumunod na araw ay maaga siyang nagtungo sa Bulwagan. Nagtanong-tanong siya kung anong oras darating ang arbiter, laging sagot sa kaniya, maya-maya. Araw-araw niyang ginawa iyon. Basta’t may pasok maaga siyang pumupunta sa Bulwagan at naghihintay, halos nakakasabay pa niyang pumasok minsan ang mga empleyado. Makailang ulit niyang sinubukang kausapin ang arbiter pero palaging ang sinasagot ng sekretarya sa kanya, “busy” o kaya’y “wala pa” o kaya’y “wala, bumalik na lang ho kayo sa ibang araw”.
Lumipas ang mga araw, ang mga lingo at tila walang katapusang mga taon, hinihintay pa rin niya ang pirmang iyon.
*****
Pagkatapos maligo ay maingat na nagbihis si Aling Fe, sinuklay ang unat na buhok na hanggang balikat. Napansin niyang dumarami na ang kulay puti sa kanyang buhok. Patuloy niya itong sinuklay hanggang napantay lahat ng gusot. Pagkatapos ay kinuha ang mga dokumento ng kaso ng kanyang anak sa kinatataguan nito sa likod ng aparador. May kaunti nang dilaw ang mga gilid nito pero maayos pa rin ang pagkakatupi. Iniingitan niyang huwag magkakaroon ng kahit anung gusot ang mga gilid nito. Inabot niya ang nag-iisang matino pang sandalyas niya sa ilalim ng tokador. Iyon rin ang isinuot niyang sandalyas nang araw na magtapos ang kanyang anak sa kolehiyo.
Maingat niyang isinara ang pinto ng kanilang bahay at unti-unting naglakad patungo sa bayan. Mga isang oras din ang kailangan niyang lakarin para makarating sa Bulwagan. Sa paligid, patuloy pa rin ang pagparoo’t parito ng mga tao. May mga naglalako ng kakanin, ng ulam, ng taho. Paminsan-minsan may naglalakad na mayroong bitbit na malaking papag sa likuran para ilako sa bahay-bahay, pautang. May mga batang naka-uniporme na naghahabulan, nag-uunahan makarating ng paaralan. Tahimik niyang pinagmamasdan ang mga ito habang patuloy sa paglakad sa ilalim ng mainit na sikat ng araw.
Pagkarating sa Bulwagan, lumapit siya sa sekretarya roon upang itanong ang arbiter. “Nandiyan,” anito, “pero me inaasikaso pa, maupo ho muna kayo sa may bangko sa labas.” Lumabas siya at tinungo ang bangkong kilala na niya halos lahat ng sulok. Mula sa mga kahoy na nakapako ng pahalang. Sa mga maliliit na salitang inukit ng bolpen sa mukha at mga gilid nito. Maging ang mahinang paglagitnit nito sa tuwing inuupuan niya na para bang nakikiramay at sinasabi sa kaniyang nandito lamang ako at sasamahan kita.
Sa di kalayuan ay nakikita niya ang isang pamilyang mukhang may-kaya. Dayo raw ang mga ito, narinig niya. Nandito dahil sa bayan nila nahuli ang taong pumatay sa isang kamag-anak nito. Tahimik siyang naghintay at nagmasid. Wala pang tanghalian ay nakita na niyang dinadala sa kalapit na selda ang taong sinasabing pumatay daw, nakayuko ang ulo. Di niya alam kung sa pagsisisi o sa kahihiyan. Maya-maya pa at nagsialisan na ang mga usyusero. Maging ang pamilyang mukhang may-kaya ay sumasakay na rin sa magara nilang kotse. Nakita niyang nakipag-kamay pa ang isang lalaking nakasuot barong ng mga empleyado ng gobyerno. Tiningnan siya ng lalaki at pagkatapos ay bumulong sa sekretarya. Tiningnan siya ng sekretarya.
Nang makaalis ang lahat ay muli siyang lumapit sa sekretarya para magtanong. “Busy pa po,” ang tugon nito. Muli siyang naupo sa bangko. Hanggang unti-unti nang lumubog ang araw, hanggang ang mga empleyado ay unti-unti nang nagsipag-uwian sa kani-kanilang mga bahay, hanggang tuluyang magsara ang Bulwagan.
Marahan siyang tumayo sa bangkong kinauupuan upang muling maglakad pauwi. Bukas babalik siyang muli. Magbabaka-sakali.
___________________
For the old lady I met who was waiting and probably is still waiting that justice might be served for the death of her son. I pray that you get that justice soon.