Kung Ika'y Tatalikod

Naroon ako sa iyong pagsilang
Nang ang unang sikat ng araw
Sa pisngi mo'y humalik
Ang mga bisig na ito
Ang sa iyo'y unang yumakap
Nang una mong naramdaman
Lamig ng hanging umihip

Naroon ako nang mga paa'y
Unang yumapak, lumakad, tumakbo
Napagmasdan ko ang pagbukas
Ng iyong mga matang malilinaw at mabibilog
Bagama't hindi lahat ay iyong makita
Marahil sapagka't di pa ganap
Iyong kamalayan

Naroon ako nang unang isinigaw
Itong damdaming kinimkim
Saksi ako sa pagsibol ng pagbabago
Sa iyong puso at sa iyong isip
Naramdaman ko ang iyong mga paghihirap
Ang iyong mga kabiguan
At ang iyong pagsuko

Sana'y naramdaman mong ang pakikibaka
Ay hindi lamang sa iyo
Na ang pagnanais ng pagbabago
Ay ninanais ko rin
At ang unti-unting pagtubo
Ng kawalan ng pag-asa
Ay dumudurog sa aking puso

Narito lamang ako
Kung ika'y magmamasid
Nang higit at lampas
Sa iyong mga sariling panganga-ilangan
Kung matututo kang kilalanin
At pagyamanin
Ang mga bagay na kaya kong ipagkaloob

Ngunit kung ika'y tatalikod
Kung kalilimutan mong ako'y nandito
At sa halip sa iba ibubuhos
Ang iyong mga kakayahan at talino
Itong mga pangako at lakas kong inaalay
Mawawalang silbi't sa kawalan hihimlay
Sapagkat sa iyong paglisan maaaring ako'y pumanaw

Popular posts from this blog

How to Become A Thiller Writer

A Review of Joshua Mehigan's Essay - " I Thought You Were a Poet"

A cheesy love poem